Friday, March 14, 2014

Nine

Pagkatapos ko basahin yung ABNKKBSNPLAKo?! eh anak ng putek naalala ko ang elementary days.

Yung FARJAS at CaReSofEl. Ako yung isang A doon sa FARJAS tapos hindi ko alam kung saan ako sa CaReSofEl pero sinama na lang ako nina Carla noon.

Ginawa ko din yung nasa libro na mga laro, yung SOS at PANTS, hangman, jackstones, yung mga tinuping papel na may mga number, tsaka yung F.L.A.M.E.S. mwehehehe.  Hindi ako nagchachinese garter, batuhang bola and shiz kasi maarte ako noon. Ayaw ko ng mga ganoong laro kasi nakakapagod saka pagpapawisan ka.

Naalala ko din yung may naglilista ng maingay. Napapasama ako doon minsan, lalo na kapag di ko kaclose yung naglilista. Iniyakan ko yun isang beses hindi ko kasi matanggap. Tapos yung mga tray ng pagkain. Yung soup na sobrang init tapos kami naghuhugas ng mga baso/mangkok kaya minsan may mga sabon pa. Maarte akong bata nabili lang ako tapos bibigay ko sa iba.

Maayos pa ang grades ko noon. Nag-aaral pa ako.

Madalas akong madulas dati sa school. Isang beses nadulas ako sobrang laki ng pasa ko noon sa may tagiliran ko. Hindi yata ako makagalaw ng maayos noon ng ilang linggo. Madalas din akong magkapasa kasi lagi akong nabubunggo sa mga upuan. Tapos madalas din akong madapa.

Isang beses may kaklase ako, nung uso pa yung mga walkman.. may walkman siya. Tapos wala pa si ma’am.. edi nakasukbit ang earphones niya. Nung dumating na si ma’am di pa pala niya alam. Kinanta niya yung Ikaw Nga ng Southborder ng malakas, with feelings.. malamang ay iyon yung tugtog sa radyo. Nagtawanan kami lahat at saka lang niya narealize na naandun na si ma’am.

Tapos may moment yata ako noong elem na kung saan natawa talaga ako tapos lumabas yung sipon ko. Shet talaga. Swerte ako walang nakakita. Sobrang kadiri.

Speaking of sipon, nung elementary ko napagtanto na napakahirap ng buhay estudyante kapag may sipon. Kapag magsusulat o may exam, syempre nakayuko edi natulo. Tapos sisinghutin mo e kapag exam e tahimik rinig na rinig ka. Ganoon din kapag sisinga ka pahirapan kasi maingay yon. Tapos syempre kapag may sipon e antukin. Noon sa amin ay arm chair o desk ang gamit. Edi ang pagidlip ay nakapatong ang ulo sa desk. Ganoon din, natulo.

Speaking of natulo, may seatmate ako nung grade two madalas dumugo yung ilong niya. Halos every other day yata. Naalala ko noon nagdala na ako ng tissue para sa kanya. Napansin kasi ni mama na laging may dugo yung gilid ng bag ko at tinanong ako. Kaya ayun.

Naalala ko din yung laging lokohan na ghost hunting, tapos yung kwentong dating sementeryo yung school. Creepy din nung nagcamping kami kasi ang dilim talaga. Nainis ako noon kasi sinulat nila sa blackboard na nahilik ako. Sabagay totoo naman kaso nakakainis pa din.

May kaklase ako simula grade two. Si Stephen. Tapos 4 years ng high school kaklase ko din siya. Ngayong college kaklase ko din siya. Kapag may mga naaalala akong ganito madalas siya ang nakakausap ko. May kwento siya sa akin nilagyan daw niya ng butiki yung teacher niya nung grade one or something like that. Hindi ko siya classmate nung grade one kaya di ko yun alam. Ang alam ko lang naging close friend ko siya kasi naging magkaibigan mga nanay namin. Kasali din siya dun sa FARJAS, siya yung S. Seatmates kasi kaming FARJAS nung grade six e. Ang weird lang kasi ang tagal ko na siyang classmate. Isang dekada na. Kaya nga naglolokohan kami na nagkakasawaan na kami ng mukha. Si Stephen nga pala yung nagsulat sa blackboard noon na naghihilik ako.

Elementary ang pinakamatagal na panahon ng pag-aaral para sa akin. Ang dami laging sinusulat at ginagawa. Ang dami daming gagawin tapos ang aga aga gumising. Nag-aalmusal pa ako noon. Naandito pa kasi noon si papa at siya ang madalas taga prepare ng almusal. Kadalasan may champorado ako, lugaw, sopas, pansit, o spaghetti, with matching MILO at pandesal. Noon pa man hindi na ako umiinom ng gatas, alam na iyon ng mga magulang ko.

Simpleng bata ako noon. Medyo maarte at suplada daw. Ang totoo ay hindi lang talaga ako palakausap ng mga tao. Saka na lamang kapag kilala ko na talaga. Hanggang ngayon naman ay ganoon pa din ako. Basta nung graduation hindi ako umiyak. Kahit noong high school din naman. Bata pa ako ganoon na ako kawalang pakialam. Joke.