Sunday, January 3, 2016

2k16

Bagong taon nasa ospital kami ng nanay ko. New Year's Eve pa lang masama na pakiramdam niya tapos noong hapon nagpadala na siya sa ospital kasi hindi na niya kaya. Pagsakay namin ng jeep tinitigan ko siya. Ramdam ko yung kaba at pag-aalala niya. Marahil nagtatanong siya sa sarili niya kung bakit kaya siya nagkakaganoon, kinakabahan sa kung anong sasabihin ng doktor, nag-aalala din siguro kung kasya ba yung perang nasa bag niya na dala-dala ko.

Sa ER pinagpahinga siya sa hospital bed at pinainom ng gamot. Hindi naman umubra kaya pina ECG siya. Nandoon lang ako sa gilid nanunuod. Since ECG yun bawal siyang gumalaw, nakahiga lang siya sa kama, nakakumot pero kita yung paa. Lumipad ang imahinasyon ko at kinilabutan ako sa naisip ko. Hanggang ngayon hindi ko pa din pala kaya.

Hindi ko ramdam ang edad ko sa lahat ng pagkakataon ngunit nitong mga nagdaang buwan napansin kong matured na din naman ako mag-isip. May mga bagay na akong napapansin at pinaglalaanan ng panahon na dati naman ay hindi ko napagtuunan. Ang stress at pressure ng adulthood ay unti unti na ngang nangangalabit. Medyo nakakatakot.

Tuwing gabi naiisip kong baka hindi umayon ang panahon sa lahat ng naisin ko sa buhay. Sa tuwing nakakarinig ako ng mga nakakalungkot at nakakagulat na balita, lalo na tungkol sa mga kamag-anak ko, hindi ko mapigilang matakot. Maiisip ko pa kayang may saysay ang lahat kung mawala man ang isa sa mga magulang ko? Para akong praning sa mga ganyang bagay. Masyado kong dinadamdam at pinalalaki ang mga bagay kahit pa nai-imagine ko lang. Never naman akong naging suicidal. Kung nagbabasa ka ng blog ko alam mong takot akong mamatay. May pagka nega lang talaga ako.

Noong namatay kasi ang lola ko parang nagkaroon ako ng panibagong prescription glasses. Nakita ko ang importansya ng buhay. Nakita ko kung paano ko sinasayang ang oras ko at ang kabataan ko. Kahit na hindi pa rin ako ganoon kastrong sa pagtatama ng mga maling gawi ko, kahit papaano nasimulan ko na din hanapin yung mga bagay na sa tingin ko ay nakakasama sa akin. Wala na akong mahahangad ngayong taon kundi ang simulan na ding iwasto ang mga iyon.

Walang New Year's resolution. Nabasa ko sa isang article na mas mabuting magdevelop  ng habits kaysa gumawa ng gumawa ng goals. Ang paglalaan ng panahon sa mga bagay at gawain na magbibigay sa akin ng assets/skills/training na unti-unting magpapalapit sa aking mga mithiin sa buhay ang mas importante.

Bente uno na ako sa birthday ko. Ang bilis nga naman talaga ng panahon.